SA AKING KAARAWAN, minsan pa Oh Diyos
Panginoon, sinasamba Kita! Lumalapit ako sa Iyo at nagpapakumbaba.. Sa mga sandali pong ito, nais kong itaas Ka sa buhay! Panginoon, napakabuti Mo! Hindi nga po ako karapat-dapat sa pagmamahal Mo.. Isa nga po akong maruming basahan sa harapan Mo.. Napakaraming beses na Kitang nasaktan subalit nanatili Kang mapagmahal at hindi Ka nagbabago sa kabila ng hindi ako tapat sa Iyo.. Panginoon, nakikita Mo po ang puso ko sa mga sandaling ito.. Lubos akong nagpapasalamat sa kadakilaan ng pag-ibig Mo.. Sumasamo sa Iyong paglinga, at nagpapasalamat sa kabutihan Mo.. Habang binabalikan ko ang aking nakaraan Oh Diyos, sa bawat sandali ng aking buhay, naging matapat Ka kahit pa nga ilang beses Kitang nasasaktan.. Salamat po sa pagkakaloob Mo sa akin ng kumpletong parte ng katawan na walang kapansanan, sa bahay na matitirahan, sa araw at maging sa buwan, sa mga halaman, mga hayop, sa lahat ng mga taong nagmamahal sa akin, sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo sa akin sa araw araw, sa isang mabuting asawa, mapagmahal na biyenan, sa isang malusog na anak, mga kaibigan, maging sa mga suliraning dumating po sa buhay ko, nagpapasalamat ako dahil dun ko nakita at napatunayan ang kadakilaan Mo sa akin at sinamahan Mo ako sa lahat ng pagkakataong hindi ko kayang harapin ang sakit at hirap ng kalooban at ng aking katawan.. Alam ko po na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang Oh Diyos.. Dalangin ko na patuloy Mo akong gamitin upang maging isang biyaya sa mga taong nakapaligid sa akin.. Wala po akong maipapagmamalaki sa Iyo, Oh Diyos.. Salamat po at binago Mo ako Oh Diyos.. Sa aking ika29 na kaarawan, nagpapasalamat po ako sa buhay na ipinahiram Nyo sa akin.. Sa kapatawaran ng aking mga kasalanan at higit sa lahat, sa pagibig Mo sa akin na ipinagkaloob sa pamamagitan ng buhay ni Hesus at sa relasyon na meron ako sa pagitan ng Kapangyarihan Mo oh Ama, sa matamis at makapangyarihang Pangalan ni Hesus at sa paghahari ng Banal na Espiritu .. Oh Diyos, patuloy Mo nga pong linisin ang buong pagkatao ko upang sa paglapit ko sa Iyo sa araw araw ng aking buhay ay walang sagabal para maramdaman Kita.. Panginoon, sa pagkakaloob Mo sa aming magasawa ng isang malusog na sanggol, hindi po sapat at salitang “SALAMAT” upang maiparating ko sa Inyo ang lubos na pagpupugay sa kadakilaan Mo.. Muli sa Iyo ko na po ipinagkakatiwala ang buhay ng aking anak, ang relasyon ko sa aking asawa, sa mga kapatid ko at mga mahal sa buhay, mga kaibigan at sa kanilang mga mahal sa buhay at sa mga taong alam kong may dalang bigat sa kanilang puso.. Oh Diyos, dalangin ko na pagkalooban Mo ng lakas ang mga taong nanghihina ng pananampalataya sa Iyo, ang mga taong nakakilala sa Iyo subalit dahil sa gawa ng Kaaway ay nagkakamali ng landas.. Maghari Ka sa buhay ng mga taong walang masasandigan Oh Diyos, sa mga taong naghahanap ng tunay na kaligayahan na nagaakalang nasa mundong ito ang katugunan ng lahat.. ang mga taong sinasamba ang kanilang kayamanan, kapangyarihan o kagandahan ng kanilang panlabas na anyo.. Nawa po ay magising ang bawat pusong nauuhaw sa presensya Mo.. Panginoon, inilalapit ko sa Iyo ang bansang Pilipinas at nawa ay Ikaw ang maghari dun.. at buong mundo na Ikaw lang ang gumawa ng lahat..
Nawa po ang mga plano Mo sa buhay ko ang maghari, ang Iyong pagibig na di magmamaliw kailanman ang kailangan ko.. Muli Panginoon, minsan pa hayaang Mong ibalik ko sa Iyo ang pinakamataas na pagsamba, papuri, pagdakila at maghari ka nawa sa buhay ko, sa puso ko.. Ikaw nga oh Diyos ang may-ari ng lahat lahat sa buhay ko, hayaan Mong sa bawat galaw ko, maging kalugod lugod ito sa harapan Mo…. maghari Ka Oh Diyos sa buhay ko, sa puso ko, Panginoong Hesus maghari Ka.. Salamat Oh Diyos at tinawag Mo ako para paglingkuran Ka.. Muli Panginoon, maraming salamat at binago Mo ang aking buhay, manatili Ka nawa sa piling ko..
IM GIVING YOU BACK ALL THE GLORY, HONOR AND POWER IN THE SWEET AND MIGHTY NAME OF JESUS.. AMEN..